<body><style type="text/css">#navbar { font-family: Verdana; background-color: #666; color: #fff; padding: 5px; font-size: 11px; text-align: right; }#navbar .f-left { float: left; }#navbar a { color: #fff; }#navbar a:hover { color: #ff0;}</style><div id="navbar"><div class="wrap"><div class="user f-left"><a href="http://tabulas.com"><strong>Tabulas.com</strong></a></div><div class="options"><a href="http://tabulas.com/user/login/">Login</a> | <a href="http://tabulas.com/user/register/">Register</a></div></div></div><div style="text-align:center"><!--REQUIRED['ADVERT']--></div>

May 12th, 2009

HAPLOS.

Alas dose sa YM chatroom.

Nagpaalam na ako kay Carla, sa kadahilanang hindi ko pa pala nahuhugasan ang mga pinggan at lagpas alas dose na ng gabi. Pero hindi ko alam kung ano ang nangyari, na tila baga nagkaroon ng sariling buhay at isip ang aking mga daliri, tinipa nito sa Google ang pangalang RICHTER OGNITA. At nagulat sa naging resulta. Kasabay ang antisipasyon sa kung ano ang laman ng unang resultang lumabas. Kaba, dahil baka sa wakas, may nahanap na akong kunektado sa kahapon niya. Takot, na baka isa lamang iyong maling akala.

At ngayon, ako'y lumuluha.

 


Nakilala ko si Richter sa catwalk ng PUP noong taong 2003. Isang tawiran ang nakapagitan sa amin, pero yun ang simula ng isang mababaw na pagkakakilanlan, subalit malalim para sa akin. Sa tabas ng dila ng lahat ng nakakakilala sa kanya, ramdam kong para akong isang huwad na walang karapatang kumuha ng kursong madalas ay mga henyo lamang ang kumukuha. Pero dahil sa kanya kaya ako nagpursigeng magpatuloy. Na hindi ko tinapos. Sasaglit ang mga panahong nagkakausap kami. Kaswal. Matipid. Pero matindi.

Hinding-hindi ko malilimutan ang huling ngiti niya. Sa wakas, natapos na rin niya ang thesis niya at magmamartsa na. Ngunit may isang hadlang: hindi tugma ang lohikang pinresenta niya sa panel. Nakita kong bumagsak ang pag-asang bumalot sa kanyang mukha, nalungkot ako para sa kanya. Na hindi rin naman nagtagal dahil binigyan siya ng pagkakataon na ayusin ang mumunting problemang iyon. Ang hindi niya maitagong kasiyahan habang nakupo siya sa bakal na naghihwalay sa anim na pulgadang konkretong kaligtasan at anim na palapag na bangin ng kamatayan, ay sapat na upang ako ay matuwa ng lubusan para sa kanya. Tahimik ako sa tabi niya noong oras na yun. Tahimik na nagdiriwang sa natamo niyang tagumpay.

Kalahating taon ang lumipas, nabalitaan kong may trabaho na siya pagkatapos niyang mag martsa. Hindi rin naman agad agad naputol ang komunikasyon naming dalawa. Nagkaroon pa nga ng pagkakataon na nagalit ako sa kanya dahil sa sinabi nya, na tama naman dahil ako talaga ang mali. Wala ako sa lugar. Pati ang galit ko ay wala sa lugar. pero patuloy siya pag-uunawa. Hanggang sa pati ang mumunting komunikasyon na iyon ay nawala.

Abril, isang taon ang nakalipas. Nagising ako sa ingay ng mga nagpaparada. Hindi ko naman ugali ang magpadala sa mga ingay, madalas pa nga ay isinasawalang bahala ko ang mga yun, pero iba nung umagang yun. Napabalikwas ako sa higaan. Tiningnan ang cellphone na nagkukubli sa ilalim ng unan. May isang mensahe galing kay Lourissa, ang presidente ng Philosophical Society ng PUP.

Huminto ang mundo ko sa mensahe niya.

Tet, wla n c Richter.

Ayaw kong maniwala. Kahit nagpaliwanang na siya at sinabing totoo iyon at hind siya nagbibiro, sinubukan kong itext ang Mama ni Richter at ito ang aking natanggap:

My son, Richter, is dead.

Nangilid ang luha sa aking mga mata at nagpatuloy na ito sa pagbagsak. Gusto kong isiping masamang panaginip lamang yun. Pero totoo ang bawat patak ng luha sa aking mga pisngi. Patuloy ang sakit sa aking dibdib. Patuloy ang masakit na pagtanggap na totoo nga ang balitang natanggap ko nung umagang yun.

Wala na siya. Wala na ang taong nagagandahan sa mga babaeng naka kulay asul na damit. Wala na ang Hua Zi Lei ng Humanities Department. Wala na ang kilalang skater sa Humanitites Department. Wala na ang taong mabilis maglakad at magaling mawala sa alon ng mga taong sabay sabay naglalakad. Wala na ang taong nagpakilala sa akin na hindi masamang tumuklas ng iba't ibang bagay, lalo na ang relihiyon. Wala na ang taong inaasam asam kong makita araw-araw kahit alam na alam ko naman na malabong mangyari. Wala na ang taong itinaas ko ng husto, dahil siya'y may prinsipyo. Dahil siya'y mabuting tao.

 

Hindi ko aakaling sa loob ng tatlong taong ito, kung saan paminsan minsan ay sumasagi siya sa isip ko, hindi ko akalaing matutunton ko ang isang munting espasyong inilaan para sa kanya. Para sa katiting na paniniwala't prinsipyo niya na gustong niyang iparating sa mundo.  Binuhay nito ang alaala niya. Binuhay nito ang damdaming hindi ko akalaing mararamdaman kong muli. Kasabay nito ang tila eksaktong pagkakasunod sunod ng mga mensahe niyang hindi ko nabura isang taon bago siya pumanaw. Na kapag mababasa ko'y hindi maiiwasan ang pag ngilid ng luha sa aking mga mata. Kung saan ang huling mensahe'y mas lalong nagdadala ng luha at sakit na kalaunay naging unti-unti pagtanggap. Pagtanggap na hindi ko na kailanman makikita pa si Richter. Ngunit patulloy siyang buhay. At ito ang katunayan.

 

Richter Lunzaga Ognita

May 23, 1982-April 19, 2006

This is ear candy: Ever - Team Sleep
Posted by paranoidandroid at 12:48 AM in My Name Stitched On Your Lips, Stained Letters | Aha, shake.
paranoidandroid requires comments from Tabulas users only. Please login or register an account.